Chapter 16
Chapter 16
SA HINDI na mabilang na pagkakataon sa araw na iyon ay para bang kinapos ang paghinga ni Alexis
matapos buksan ang pinto ng kwarto ni Diana. Tama ang kanyang hinala. Sa farm house nga ito
matatagpuan. Mula noon hanggang ngayon, ang lugar na iyon ang nagsisilbing hideaway nito. Nauna
nang nagpunta doon ang mga magulang ni Diana pagkagaling nila sa ospital kung saan dinala si
Janna, ang anak nina Lea at Jake.
Bumalik na muna siya sandali sa kanyang condo unit at kumuha ng ilang mga gamit para sa
pinaplanong pagsunod kay Diana. Nang papunta na siya sa Tagaytay ay nakatanggap siya ng tawag
mula sa ina ng dalaga na hindi rin daw nagtagal ang mga ito sa farm house dahil ginusto ni Diana na
mapag-isa. Pero nag-aalala pa rin nang husto sina tito Lino at tita Martha kaya binilinan siyang
bantayan ang dalaga na siya naman talagang gagawin niya kahit hindi pa sabihin ng mga ito. Malaki
ang pasasalamat niyang gaya ng dati ay sa kanya pa rin ipinagkakatiwala ng mga ito si Diana.
"Why didn't you tell me?" bigla ay pumasok sa isip ni Alexis na tanong kay Lea nang makausap niya ito
sa ospital. Hindi niya pa agad napuntahan ang ex-girlfriend dahil agad silang nagkagulo ni Jake nang
makita siya nito sa pasilyo. Sinugod siya nito at sinuntok na agad niya rin namang ginantihan. Kung
galit ito puwes, galit rin siya. Kung tutuusin sa pagitan nila ay higit ang panlolokong ginawa nito kay
Diana.
Kung hindi lang nakialam si tito Lino ay baka nagtatalo pa rin sila ni Jake hanggang sa mga sandaling
iyon. Pero kahit ang umawat sa kanilang matandang lalaki ay kinailangan niya ring pigilan kalaunan
nang ito naman ang galit na galit na sumuntok kay Jake.
Napailing si Alexis sa naisip. Ibang klase rin talaga ang ama ni Diana. Nang makalapit na siya kay Lea
ay nalaman niyang unconscious pa rin ang anak nito. Kahit pa nabigyan na ng paunang lunas ang bata
ay hindi pa rin daw nakasisiguro ang doktor sa laki ng damage na nangyari sa ulo ng bata hangga't
hindi pa iyon nagkakamalay.
"Falling in love is really frustrating, isn't it? It's frustrating that you can't use your head." Sa halip ay para
bang napapagod na sagot ni Lea habang magkatabi silang nakaupo sa labas ng recovery room.
"Pareho lang tayo. Kayo ni Diana ay para ring kami ni Jake. We used to be the best of friends.
Magkababata kami. Maayos ang takbo ng lahat hanggang sa may isang tangang nabiktima ni kupido.
Obviously, ako 'yon." Natawa ito. "Janna is the result of me crossing the line when Jake was drunk one
crazy time. Hindi na kami bumalik sa dati pagkatapos niyon. Pinanindigan niya ang pagiging ama kay
Janna pero ako, parang hindi niya na kilala pagkatapos.
"Pinilit kong magmahal ng iba sa nakalipas na mga taon. When we became together, I've tried so hard
to work things out the way you did. Pero hindi naman 'to maloloko." Itinuro ni Lea ang kaliwang dibdib.
"Nang malaman kong ikakasal na siya, inilihim ko 'yon kay Janna dahil ayokong masaktan 'yong bata
na umaasang isang araw, mabubuo kami. Parehas nga kasi tayo sa maraming bagay. Napapasaya
siya ni Diana kaya hindi na ako naghabol."
Nilingon siya ni Lea. "Naalala mo nang magkita tayo sa Palawan noong iniiwasan mo pa si Diana bago
ang kasal? Ganoong-ganoon ako kay Jake noon. I also thought that Diana was perfect for him the way
you thought the same thing about Jake. Hindi ko inamin sa 'yo ang tungkol kay Janna dahil ayokong
magkagulo pa. Nang araw na dumating ka sa simbahan, nasa kotse kami ni Janna noon. Wala pa
siyang idea na Daddy niya ang ikakasal sa simbahang 'yon. I was waiting for a sign. Dahil sa huling
sandali, natakot akong matuloy ang kasal. I've been praying so hard... na sana may isa pang tangang
nagmamahal na gaya ko na magsasalita. At saka ako kikilos. I've been praying for the heavens that
you come, Alex. And you did. Thank you. Naging kontrabida tayo sa paningin ng lahat ngayong araw. NôvelDrama.Org © 2024.
Pero ayokong magsisi. Dahil ginawa ko 'yon para kay Janna. Para sa puso ko."
Napahugot ng malalim na hininga si Alexis sa naalala. Ilan pa kayang tangang nagmamahal sa mundo
ang gumawa rin ng katangahan tulad ng ginawa nila ni Lea?
Binuksan niya ang ilaw. Madilim na madilim sa buong dalawang palapag na bahay na yari sa kahoy
nang dumating siya roon. Siya mismo ang nag-design ng bahay na iyon ayon na rin sa kahilingan ni
Diana na parating natutulog roon tuwing Sabado at Linggo. Nang lumiwanag, agad niyang nakita si
Diana na nakaupo sa ibaba ng kama. Nakasubsob ang ulo ng dalaga sa mga binti nito. Suot pa rin nito
ang wedding gown nito.
Nagsisikip ang dibdib na nilapitan ni Alexis ang dalaga. "Diana..." Buong pagmamahal na inangat niya
ang mukha nito. Nakapikit ito pero alam niyang gising pa ito. Patunay na roon ang naririnig niyang
paghikbi nito. Nang hindi na makapagpigil, ikinulong niya ito sa mga bisig nito. "I'm so sorry."
Ilang sandali pa, naramdaman niya ang pagpupumiglas ng dalaga. Pinagsusuntok siya nito sa kanyang
likod nang hindi niya pakawalan.
"I hate you! I hate you so much!" Nabasag ang boses ni Diana. "Sinanay mo akong lumalapit sa 'yo
tuwing nasasaktan ako. Sinanay mo akong sinasandalan ka. Sinanay mo akong nandyan ka parati.
Kaya ngayon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Dahil paano ko ba lalapitan at sasandalan ang
mismong taong dahilan kung bakit ako nasasaktan?"
Napuno ng sakit ang puso ni Alexis nang marinig ang paghagulgol ni Diana. Noon lang ito lumuha
nang ganoon. At isa pa siya sa dahilan. "Alam mong libong beses kong pipiliin na ako ang masaktan
kaysa ikaw. Believe me, seeing you like this hurts me more." Naghihirap ang loob na bulong niya.
"Diana, hindi ko gustong saktan ka-"
"Pero ginawa mo-"
"Dahil mahal kita. Iyong uri ng pagmamahal na higit pa sa maaaring maramdaman ng isang kaibigan.
Diana, mahal na mahal kita."
NATIGILAN si Diana. Muli siyang magpumiglas para makalayo kay Alexis. Sa pagkakataong iyon ay
pinakawalan siya nito. Pinakatitigan niya ang mukha ng binata. Hindi siya makapaniwala nang mabasa
ang sincerity sa mga mata nito.
"You are my world, Diana. I realized that when that jerk just came one day and everything about my life
suddenly stopped turning. Tumigil 'yong buong mundo ko nang makilala mo siya. Nang magsimula
kang ngumiti na hindi na ako ang dahilan. Nang magsimula kang tumingin sa iba na puno ng kislap
ang mga mata mo. Nang magsimula kang mangarap na kasama ang iba. Nang magsimula kang
kumapit sa iba. Lahat iyon, araw-araw, pinilit kong kayanin. Pinilit kong tiisin. Dahil gusto kong hayaan
ka kung saan ka masaya." frustrated na naisuklay ni Alexis ang mga daliri sa buhok nito. "You never
knew me as a selfish man, Diana. I may be an asshole and more but I was never selfish. Maliban na
lang kaninang ikakasal ka na. Because when I saw you, when I saw my world about to be possessed
by another man, hindi ko na alam kung ano nang nangyari sa 'kin. Para akong masisiraan ng bait."
Mariing naipikit ni Diana ang mga mata. Ang akala niya ay sobra-sobra na ang mga natuklasan niya sa
araw na iyon pero hayun si Alexis at nagsasalita ng mga bagay na ilang taon niyang pinagdasal sa
Diyos na marinig mula sa mga labi nito. "I was always by your side, Alexis. Pero parati kang sa ibang
direksiyon tumitingin sa tuwing naghahanap ka ng babaeng makakarelasyon. And now... this?"
"Because I was afraid to look at you. I was afraid that I'd never look away. Dahil ang dali-dali mong
mahalin. Ang dali-daling mahulog sa 'yo, Diana. At alam ko, kung hindi ko rerendahan ang puso ko,
makakatakas ito at dederetso sa 'yo. Kaya natakot ako. Natakot akong isipin ang tungkol sa posibilidad
na maging tayo. Dahil baka hindi na ako bumitaw. Dahil baka totohanin ko na. Dahil ang dali kong
matakot pagdating sa 'yo. My insecurities and fears always get the best of me. Because I'm just a
nobody. Sino ba ako para pangarapin ka kung alam ko na hindi ako ang karapat-dapat sa 'yo? Ni hindi
ko magawang ipagmalaki ang sarili ko sa 'yo."
Sa hindi na mabilang na pagkakataon, muling pumatak ang mga luha mula sa mga mata ni Diana.
Kung noon niya siguro narinig ang mga salitang iyon, baka lumulutang na at naglalakad sa alapaap
ang pakiramdam niya nang mga sandaling iyon.
Gusto niyang makaramdam ng tuwa dahil minahal rin pala siya ni Alexis. Sinagot pa rin pala ng langit
ang panalangin niya noon. Pero malayo sa tuwa ang nararamdaman niya. Para bang pagod na pagod
ang puso niya sa dami ng mga natuklasan. Bukod pa roon, matapos ng naging panloloko ni Jake ay
hindi niya alam kung kaya niya pang maniwala sa sasabihin ninoman sa kanya.
Ayaw niya nang umasa. Ang gusto niya na lang ay... magpahinga. Itinuro niya ang pinto. "Tama na,
Alexis. Umalis ka na, utang na loob."
Bumakas ang pagtutol sa mukha ng binata. "Pero-"
"Kailangan ko pa bang magmakaawa para lang umalis ka?"
Ilang sandaling pinagmasdan siya ni Alexis na para bang pilit na binabasa ang nilalaman ng isip niya.
Mayamaya ay napailing ito bago ito tumayo at tahimik na umalis ng kwarto. Tumayo siya at ini-lock ang
pinto. Dumeretso siya sa banyo at pinakatitigan ang sariling reflection sa salamin doon.
Mapakla siyang napangiti. "How did the supposed-to-be most beautiful day of your life turn out to be
the most miserable one?"